Wednesday, September 3, 2008

Sa mata nila:Views about PUP mural


Bawat umaga makikita sa ating sintang paaralan ang mga abalang estudyante na nagkakandarapang pumasok sa makipot na mga gates ng paaralan. Pero sa bawat labas masok nila tila di nila napapansin ang isang obra na ilang dekada na ang tanda.

Ang obrang ito ay isang myural na likha ni Eduardo Castrillo, isang tanyag na pambansang manlilikha o national artist, noong 1974. Ang tema nito ay pinagtibay na pag-unlad sa pamamagitan ng edukasyon o Consolidated growth through education. Ang obra ni Ed Castrillo ay nasa main gate ng Mabini kampus. Nakalagay sa isang lugar kung saan makikita ng bawat estudyanteng dumadaan upang ipaalala ang taglay nitong kahulugan. Pero sa napaka-abalang buhay ng mga estudyante, napapansin pa kaya nila ito? Nag ikot ikot kami sa PUP main campus para tanungin ang ilan sa ating mga kamag-aral tungkol sa myural.

Si Maribel, isang mag-aaral ng BS accountancy sa ikatlong taon, ay nagsabing di niya napapansin ang myural lalo na raw at nasa labasang bahagi raw ito. Tila ang iba sa ating kamag-aral ay di napapansin at napapahalagahan ang obrang ito. Kasama na rin si Merlin ng CCMIT na nasa unang taon at nagsabing kapag dumadaan sila ng mga kaibigan niya ay di nila napapansin ang myural. Oo nga naman. Paano nga naman mapapansin ng mga studyante ang myural kung paglabas nila ay ang nasa isip lang nila ay ang makauwi? Ngunit sapat ba itong dahilan upang isawalang kibo na lang ito? Nakakalungkot isipin na ilan sa aming mga nakausap ay hindi nabibigyan ng pansin ang obra. Ang iba na ma’y ni hindi man lamang alam kung ano ang itsura ng myural.

Sa kabila nito, mayroon pa rin namang nagpapahalaga rito at may ideya kung ano ang ibig ipahiwatig nito. Si Jessielyn, isang studyante ng CEFP na nasa unang taon, ay nagsabing para sa kanya ay may “contrasting sides” ang myural. Mayroon daw magkaibang ideya na napaploob sa dito. Para naman kay Jelmarie na nasa unang taon sa CNFS, ang myural ay nagpapakita ng pakikipaglaban ng mga kabataan para sa karapatan natin sa edukasyon. Pinapaalala daw sa atin nito na dapat ipaglaban natin ang ating karapatan sa edukasyon. Mayroon namang inugnay ito sa himagsikan tulad ng sinabi ni Gem, isang Physics student sa unang taon. Para sa kanya, ito ay tungkol sa pag-aaklas at himagsikan tungkol sa iba’t ibang reporma. Si Kim naman ay iniugnay ito sa agraryong aktibidades.

Hindi man tumpak ang kanilang mga opinyon sa tunay na kahulugan ng obra, nakatutuwa pa ring isipin na mayroon pa rin tayong mga kamag-aral na humihinto, tumatanaw at nagbibigay ng pansin sa mga bagay-bagay sa ating unibersidad tulad ng kahanga-hangang PUP myural. Sa panahon ngayon, sa gitna ng mabilis, maingay at paminsan-minsa’y magulong takbo ng ating buhay bilang mag-aaral ng ating sintang paaralan, magandang pagkuhanan ng inspirasyon upang magpatuloy, ang mga simpleng bagay. Gaya na lamang ng PUP myural --- tahimik lamang itong nagmamasid sa atin araw-araw, pero kung bibigyang pansin, marami itong maibabahaging kuwento at aral.

Paano kaya natin masusulosyunan ang kawalan ng kaalaman ng ilan sa ating mga kamag-aral ukol sa myural? Magpakalat tayo ng pulyeto? Lagyan natin ito ng ilaw? O kaya’y ibaba natin ito nang kaunti para maging eye-level ito at madaling mapansin lalo na ng mga dumadaan sa labasang bahagi ng kampus?

Marahil, ang pinakamaganda at simpleng paraan ay ang pagbibigay-alam o pagbabahagi ng mga impormasyon ukol dito --- sa tulong ng mga guro at mga organisasyong pinatatakbo ng mga estudyante, mga namumuno sa mga organisasyong ito at pati na rin sa tulong ng ating mga sarili. Magtanong tayo. Makialam. Makibahagi.


by:Paola Rueda & Linky Flores

No comments: